Tao Lamang
Basahin: Santiago 4:7–17 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Leviticus 6–7; Mateo 25:1–30
Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi. — Santiago 4:14 ABAB
Nabanggit ng mga iskolar na sina Jerome at Tertullian, ang tungkol sa isang heneral na nagtagumpay sa isang labanan. Ipinagmalaki niya ang kanyang nagawa sakay ng kalesa sa buong lugar. Marami ang nagalak dahil dito. Kasama na ang heneral na masayang ipinagdiwang ang nagawa niya. Ngunit, ayon din sa kuwento mayroong kasamang tagapaglingkod ang heneral sa buong araw na nagsasabi sa kanya ng Memento mori o “Alalahanin mo na mamamatay ka rin.” Sa gitna kasi ng lahat ng ito, kailangan ng heneral na mayroong magpapaalala sa kanya na maging mapagkumbaba at tao lamang siya.
Ganito naman ang isinulat ni Apostol Santiago na lingkod ni Jesus sa mga taong mapagmataas at bilib sa kanilang sarili. Sinabi ni Santiago, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan Niya ang mapagpakumbaba” (Santiago 4:6). Ano ang dapat nilang gawin? “Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon” (Tal. 10).
Paano nila gagawin ang magpakababa? Tulad ng mga Romanong heneral, kailangan alalahanin nating mamamatay rin tayo. Sinabi pa ni Santiago, “Hindi nʼyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos” (Tal. 14). Sa halip na umasa kayo sa inyong sariling kakayahan, “dapat ninyong sabihin: ‘Kung loloobin ng Panginoon’” (Tal. 15).
Kung kakalimutan nating hindi tayo magtatagal dito sa mundo, maaari itong humantong sa pagmamataas. Ngunit kung magpapakumbaba tayo, makikita natin ang biyaya sa ating bawat paghinga at bawat sandali. Memento mori.
Bakit mo kailangan alalahanin na ikaw ay tao lamang?
Panginoon, lagi ko pong naiisip na ako ang may kontrol sa buhay ko. Tulungan Mo po akong magpakumbaba at mabago ang pananaw na ito.
Isinulat ni Winn Collier
Leave a Reply