Hindi Nakalimutan
Basahin: Hebreo 6:9–12 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Leviticus 14; Mateo 26:51–75
Makatarungan ang Dios, at hindi Niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa Kanya at patuloy na ipinapakita. — Hebreo 6:10
Kilala mo ba o pamilyar ba sa iyo ang pangalang George Liele (1750–1820)? Siguro ay hindi. Ngunit dapat malaman mo kung sino siya. Isa siya sa mga naunang misyoneryong nagpahayag ng Magandang Balita sa Georgia. Ipinanganak mang isang alipin si Liele, nakilala pa rin niya ang Panginoon.
Noong nakalaya siya sa pagiging alipin, ibinahagi niya ang tungkol kay Jesus sa bansang Jamaica. Naglingkod siya sa mga alipin na nasa plantasyon doon. Naging tagaturo at tumayong pastor din siya sa dalawang sambahan ng mga Aprikanong Amerikano sa Savannah, Georgia.
Dios na mapagmahal, alam ko pong hindi Ninyo ako kakalimutan at pinahahalagahan Ninyo ako.
Nakalimutan man ng iba ang mga nakagawa ni Liele dito sa mundo. Ngunit, hindi kailanman nakalimutan ng Dios ang mga ginawa ni Liele para sa Kanya. Tulad ng hindi paglimot ng Dios sa mga bagay na ginawa mo para sa Kanya. Ganito ang sulat na ipinadala para sa mga Hebreo “Makatarungan ang Dios, at hindi Niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa Kanya at patuloy na ipinapakita” (Tal. 6:10). Ganito katapat ang Dios, alam at naaalala Niya ang lahat ng ginawa natin para sa Kanya. Sinabi pa ng mga Hebreo na “Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Dios ay tumatanggap ng mga ipinangako Niya” (Tal. 12).
Nararamdaman mo bang hindi pinapahalagahan ng iba ang ginagawa mo sa inyong simbahan o komunidad? Lagi mo lang isapuso at isaisip na tapat ang Dios. Hindi ka Niya kakalimutan!
Anong paglilingkod ang ginagawa mo para sa Dios? Paano nakakapagpalakas ng loob sa iyo ang malaman na laging naaalala ng Dios ang iyong tapat na paglilingkod sa Kanya?
Isinulat ni Bill Crowder
Leave a Reply