Maging Handa
Basahin: Mateo 24:36–44 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: 1 Samuel 17-18; Lucas 11:1–28
Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. — Mateo 24:42
Minsan, napansing nakatigil sa oras na 8:19 at 56 segundo ang mga kamay ng relong nasa silid-aklatan sa University of North Carolina. Ito ang eksaktong oras kung kailan naganap ang isang kahindik-hindik na pangyayari sa nagmamay-ari ng relong iyon. Nadulas si Elisha Mitchell sa isang mataas na anyong tubig na naging sanhi ng kanyang pagkamatay sa Appalachian Mountains noong Hunyo 27, 1857.
Isang propesor sa unibersidad si Mitchell. Noong panahong nangyari ang aksidente ay nangongolekta siya ng mga datos na magpapatunay na ang bundok na kanyang inaakyat ay ang pinakamataas sa silangang bahagi ng Mississippi. Napatunayan nga ni Mitchel na tama ang kanyang pananaliksik at tinatawag ngayon ang bundok na iyon na Mount Mitchell.
Panginoon, tulungan N’yo po akong maglingkod sa Inyo at maging handa sa Inyong muling pagbabalik.
Nang akyatin ko ang bundok na iyon kamakailan, napaisip ako sa buhay ni Mitchell at kung paanong ang bawat isa sa atin ay may kakaunting panahon lamang na mabuhay sa mundo. Naalala ko ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Kaya maging handa rin kayo, dahil Ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan” (Mateo 24:44).
Malinaw na sinasabi ni Jesus na wala sa atin ang nakakaalam kung kailan Siya babalik at itatayo ang Kanyang kaharian o kung kailan tayo mamamatay. Pero sinabi Niya sa atin na “maging handa” tayo palagi (Tal. 42). Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo mabubuhay. Kaya naman, ilaan natin ang ating mga buhay sa pagmamahal at paglilingkod para kay Jesus.
Paano ka naghahanda sa oras na makakaharap mo si Jesus?
Panginoon, tulungan N’yo po akong maglingkod sa Inyo at maging handa sa Inyong muling pagbabalik.
Isinulat ni James Banks
Leave a Reply