Pagkain Mula Sa Langit
Basahin: Exodus 16:4–5, 13–18 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: 1 Cronica 7-9; Juan 6:22–44
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit.” – Exodus 16:4 MBB
Agosto 2020, nagulat ang mga taga Olten, Switzerland nang umulan ng tsokolate! Nasira ang makina para sa pagpapaikot ng hangin ng pagawaan ng tsokolate kaya napasama sa hanging palabas ng pagawaan ang malilit na parte ng tsokolate. Dahil diyan, nag-alikabok ng tsokolate sa mga kotse at daanan at nangamoy na parang tindahan ng tsokolate ang buong bayan.
Kapag naiisip ko ang masarap na pagkaing himalang nalaglag mula sa kalangitan, ‘di ko maiwasang maalala kung paano tugunan ng Dios ang pangangailangan ng mga Israelita sa Aklat ng Exodo. Pagkatapos ng dramatikong paglisan nila sa Ehipto, humarap sila sa mabibigat na hamon sa desyerto, lalo na ang kawalan ng pagkain at tubig. Kinaawan sila ng Dios at nangakong magpapaulan ng tinapay mula sa langit (Exodus 16:4). Kinaumagahan, “nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig” (Tal. 14). Nagpatuloy ang araw-araw na panustos ng Dios, na tinawag na ‘manna’, nang apatnapung taon.
Noong nasa mundo si Jesus, naniwala ang mga taong sinugo Siya mula sa langit nang milagrosong pinakain ng Dios ng tinapay ang napakaraming tao (Juan 6:5-14). Pero itinuro ni Jesus sa kanila na Siya mismo ang “tinapay ng buhay” (Tal. 35) na pinadala hindi lang para sa panandaliang sustansya kundi para magbigay ng walang hanggang buhay (Tal. 51).
Para sa ating pagkaing espirituwal, binibigyan tayo ni Jesus ng walang hanggang buhay kasama ang Dios. Nawa maniwala at magtiwala tayo na sinugo Siya para punan ang pinakamalalalim nating pananabik.
Kailan mo napagtanto ang pangangailangan mo kay Jesus?
Isinulat ni Lisa M. Samra
Leave a Reply