Nakatuon Sa Dios
Basahin: 1 Timoteo 6:6–11 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: 2 Cronica 21-22; Juan 14
Daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman. – 1 Timoteo 6:6
Maraming oras ang ginugol ko noon sa paghanap ng diamante para sa singsing pang-engagement. Nabagabag ako: paano kung hindi ko makita ang pinakamaganda?
Ayon sa dalubhasa sa ekonomiya na si Barry Schwartz, kita sa pag-aalinlangan ko na isa akong maximizer at hindi satisficer. Nagdedesisyon ang satisficer ayon sa kung ano ang nakakasapat sa pangangailangan pero sa maximizer kailangan lagi ang pinakamainam. Ano ang maaaring epekto ng pag-aalinlangan sa harap ng maraming pagpipilian? Pagkabalisa, kalungkutan, kawalang-kasiyahan.
Ama, tulungan Mo po akong maalala na Ikaw lang ang puwedeng tumugon at pumuno sa pangangailangan ko.
Kahit na wala ang mga salitang maximizer o satisficer sa Biblia, makikita din dito ang tema at diwa nito. Sa 1 Timoteo, hamon ni Apostol Pablo kay Timoteo na hanapin ang kahalagahan sa Dios kaysa sa mga bagay sa mundo. Hindi lubos ang pangakong kaligayahan ng mundo kaya nga nais ng apostol na itanim ni Timoteo ang pagkatao niya sa Dios: Ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang (6:6). Para ngang satisficer ang apostol sa sinabing, “Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo’y may pagkain at pananamit” (6:8).
Kapag nakatutok ang paningin ko sa iba’t-ibang paraan na ipinangako ng mundo ang kasiyahan, kadalasan hindi ako mapakali at hindi masiyahan. Pero kapag nakatuon ako sa Dios at isinusuko sa Kanya ang pagiging maximizer ko, mas nagkakaroon ako ng tunay na kasiyahan at pahinga.
Ikaw ba’y taong kontento at nasisiyahan?
Paano naaapektuhan ng relasyon mo sa
Dios ang pagiging kontento mo?
Ama, tulungan Mo po akong maalala na Ikaw lang ang puwedeng tumugon at pumuno sa pangangailangan ng aking kaluluwa.
Isinulat ni Adam R. Holz
Leave a Reply