Lumalaban Ang Dios Para Sa’tin
Basahin: Salmo 91:1–10 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Ester 3-5; Gawa 5:22–42
Lulukuban ka Niya sa lilim ng Kanyang malapad na pakpak at sa kalinga Niya ay palagi kang nakakatiyak; iingatan Niya’t ipagsasanggalang, pagkat Siya’y matapat. – Salmo 91:4 MBB
Pinatunayan ng isang ina sa Colorado sa Amerika na gagawin niya ang lahat para proteksyunan ang anak. Naglalaro sa labas ng bahay ang anak na limang taong gulang nang bigla itong sumigaw. Agad lumabas ang ina at nakita ang nakakatakot na tagpo: may leong-bundok na nakadagan sa anak niya, at nasa bibig nito ang ulo ng bata. Lakas loob na nilaban ng ina ang leong-bundok para iligtas ang anak.
Ginamit din sa Biblia ang pagiging ina para ilarawan ang wagas na pag-ibig at proteksyon ng Dios sa mga anak Niya. Tulad ng inang lawin, kinalinga at inaliw ng Dios ang mga Israelita (Deut. 32:10-11; Isaias 66:13).
Ama sa Langit, maging kalinga at pangsanggalang ko nawa ang katapatan Mo.
Tulad rin ng isang ina na hindi malilimot ang sanggol na dumidede sa kanyang dibdib na malalim niyang kabigkis, hindi kakalimutan ng Dios ang mga hinirang Niya at kakalingain sila ng tapat Niyang pag-ibig (Isaias 54:7-8). At tulad ng inang ibon na nilulukuban ang mga anak niya sa lilim ng malapad niyang pakpak, ganoon din ang Dios sa mga hinirang Niya – ang katapatan ng Dios ang kanilang kalinga at pangsanggalang (Salmo 91:4).
Minsan pakiramdam natin mag-isa tayo, nalimutan na, at nakakulong sa mahigpit na kapit ng iba’t ibang uri ng umaatake sa ating espiritu. Nawa tulungan tayo ng Dios na maalala ang Dios na mahabaging kumakalinga sa atin at nakikipaglaban para sa atin.
Sa buhay mo, paano mo nakita ang Dios bilang magulang mo?
Paano mo naranasan ang kalinga,
aliw, at proteksyon Niya sa’yo?
Isinulat ni Marvin Williams
Leave a Reply