Mahal Kita
Basahin: Lucas 22:14–20 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Job 36-37; Gawa 15:22–41
Pagkatapos, kumuha Siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati Niya ito at ibinigay sa kanila. – Lucas 22:19
Dumalo ako sa isang birthday party kung saan ang temang ‘mga paboritong bagay’ ay inilagay sa mga dekorasyon, regalo, at higit sa lahat, sa pagkain. Dahil paborito ng may kaarawan ang steak, salad, at white chocolate cake, inihanda lahat iyon ng host ng party. Sinasabi ng mga paboritong pagkain iyon na “mahal kita.”
Maraming pagbanggit sa Biblia ng mga kainan at pista, kung saan ipinapares ang pisikal na pagkain sa pagdiriwang ng katapatan ng Dios. Ang pagkain kapag pista ay isang bahagi ng pagsamba na ginagawa ng mga taga-Israel (Tingnan ang Mga Bilang 28:11-31). At sa Salmo 23:5, naghanda ang Dios ng isang mesa na maraming pagkain at mga basong umaapaw sa habag at pag-ibig.
Salamat po, O Dios, sa lahat ng matapat mong pagtustos, kasama na ang araw-araw kong pagkain.
Siguro ang pinakamatinding larawan sa pagkain at alak ay noong hinati ni Jesus ang tinapay at kinuha ang baso ng alak, ipinakikita nito ang regalo ng Kanyang kamatayan sa krus para sa ating kaligtasan. Tapos, hinamon Niya tayo: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa Akin” (Lucas 22:19).
Habang nakikibahagi tayo sa hapag ngayon, isipin mo ang Dios na gumawa ng bibig at sikmura, at siya ring nag-aalok sa’yo ng pagkain bilang wika ng Kanyang pag-ibig bilang pagdiriwang ng Kanyang katapatan. Ang Dios natin ay Dios na nagpipista kasama ng mga tapat, ipinapakita Niya ang perpektong pagtustos Niya sa malaking pangangailangan natin para sabihing “mahal kita.”
Paano mo pasasalamatan ang Dios habang kumakain ka ngayon?
Isinulat ni Elisa Morgan
Leave a Reply