Masakit Na Kaalaman
Basahin: Mangangaral 1:12–18 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Salmo 132–134; 1 Corinto 11:17–34
Habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan. – Mangangaral 1:18
Huminto sa isang baybayin si Zach Elder at ang mga kaibigan niya matapos ang 25 araw ng pagra-raft sa Grand Canyon. Binanggit sa kanila ng tumanggap ng balsa ang tungkol sa COVID-19 virus. Akala nila nagbibiro lang ito, pero nang iwan nila ang lugar, nagtunugan ang mga telepono nila dahil sa mga mensahe ng kanilang mga magulang. Nagulat sila Zach. Kung puwede lang silang bumalik sa ilog at takasan ang nalaman na nila ngayon.
Sa nabigong mundo, madalas na nagdadala ng kalungkutan ang kaalaman. Naobserbahan ng matalinong Guro sa Mangangaral, “Habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan” (1:18).
Jesus, ayaw ko po ng sakit, pero kung ilalapit ako nito Sayo, magiging sulit ito.
Sino ang hindi naiinggit sa kainosentehan ng mga bata? Hindi nila alam ang tungkol sa racism, karahasan, at cancer. Hindi ba mas masaya tayo bago natin nalaman ang kahinaan natin at mga bisyo? Bago nalaman ang sikreto ng pamilya natin—kung bakit lasenggo ang tiyuhin natin, o ang dahilan ng paghihiwalay ng mga magulang natin?
Hindi natin puwedeng hilinging mawala ang ganyang sakit. Hindi na tayo puwedeng magpanggap na hindi natin alam. Pero may mas mataas na karunungan na nag-uudyok sa atin para magawa nating magtiis at magtagumpay. Si Jesus ang Salita ng Dios, ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman natin (Juan 1:1-5). Siya ang “karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan Niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa Kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan” (1 Corinto 1:30). Ang sakit na nararamdaman mo ang dahilan para tumakbo ka patungo kay Jesus. Kilala ka Niya at nagmamalasakit Siya sayo.
Ano ang mga bagay na sana hindi mo na lang ito nalaman?
Idalangin mo ito sa Dios na tulungan kang malampasan ito.
Isinulat ni Mike Wittmer
Leave a Reply