Tunay Na Pagbabago
Basahin: Efeso 4:17–24 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Jeremias 1–2; 1 Timoteo 3
Tinuruan kayo…na ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Dios. – Efeso 4:22–24 MBB
Magulo ang pamilyang kinalakihan ni Claud sa London. Noong labinglimang taong gulang siya, nagbebenta na siya ng marijuana, at heroin noong dalawangpu’t-lima. Naging gabay (mentor) siya sa mga kabataan para pagtakpan ito. Hindi nagtagal napukaw ng manager nila (na tagasunod ni Jesus) ang atensyon niya. Lumahok si Claud sa isang pag-aaral tungkol sa pananampalatayang Cristiano. Pagkatapos, tinanggap niya si Jesus sa buhay niya. Naramdaman niya ang nakasisiyang pagkilos ng Dios. “Nakita agad ang pagbabago sa akin. Ako ang pinakamasayang tindero ng droga!”
Kinabukasan, nagpatuloy si Jesus sa pagkilos sa buhay ni Claud. Nagtitimbang siya ng isang bag ng droga nang biglang naisip, Kalokohan ito! Nilalason ko ang mga tao! Naisip niyang tumigil na sa pagbenta ng droga at maghanap ng marangal na trabaho. Sa tulong ng Banal na Espiritu, nilisan niya ang dating buhay at hindi na ito binalikan pa.
Ito ang pagbabagong nasa liham ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso. Hinikayat niya silang huwag mamuhay nang malayo sa Dios: “Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa… at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Dios, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan” (4:22-24 MBB).
Masaya ang Banal na Espiritu na tulungan tayong isabuhay ang bagong pagkatao at mas maging tulad ni Cristo.
Magbigay ng halimbawa
kung paano ka binago ni Jesus.
Paano pinatatatag ng karanasang
ito ang tiwala kay Jesus?
Maibiging Dios, salamat po hindi mo sinusukuan ang mga tao. Ipakita Mo po sa akin kung paano ako magiging katulad Mo.
Isinulat ni Amy Boucher Pye
Leave a Reply