Pinagpalang Pagsisisi
Basahin: Hosea 14:1–4 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Ezekiel 27–29; 1 Pedro 3
Patawarin po Ninyo kami. Kami’y Iyong kahabagan, kami’y Iyong tanggapin. —Hosea 14:2 MBB
Unang palayaw ni Grady sa kalye ang Broke at nakaukit ito noon sa plaka ng lisensya niya. Kahit hindi sadyang may espirituwal na kahulugan, tama ang palayaw na iyon sa tulad niyang sugarol, mangangalunya, at manloloko. Isa siyang taong wasak, walang pera, at malayo sa Panginoon. Pero nabago lahat ‘yon isang gabi, nang hipuin ng Banal na Espiritu ang puso niya habang nasa kuwarto ng isang hotel.
Sabi niya sa asawa, “sa tingin ko, nililigtas ako ngayon.” Nang gabi ring ‘yon, pinagtapat niya ang mga kasalanang akala dadalhin na niya sa hukay at humingi siya ng kapatawaran kay Jesus. Sa sumunod na tatlong dekada, naglingkod sa Dios bilang binagong tagasunod ni Jesus ang taong ito na hindi inakalang aabot siya sa edad na kwarenta. Nagpalit rin siya ng plaka ng lisensya – mula sa BROKE (wasak) naging REPENT (magsisi) na ang nakaukit.
Magsisi. Gusto rin ito ng Dios para sa mga Israelita, ayon sa Hosea: “Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Dios… Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo kay Yahweh; sabihin ninyo sa Kanya, ‘Patawarin po Ninyo kami. Kami’y Iyong kahabagan, kami’y Iyong tanggapin’” (14:1-2 MBB). Maliit o malaki, marami o kaunti, hinihiwalay tayo sa Dios ng kasalanan natin. Pero puwedeng mawala ang agwat – talikuran ang kasalanan, bumalik sa Dios, at tanggapin ang pagpapatawad ng Dios sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesus. Sumasampalataya ka man kay Jesus pero hirap, o hawig ang buhay n’yo ni Grady, dumalangin ka at humingi ng tawad sa Dios.
Anong kasalanan ang sagabal sa relasyon mo sa Dios?
Handa ka na bang sabihing kailangan mo
Siya at sa pagpapatawad Niya sa pamamagitan ni Jesus?
Dios Ama, suriin Mo po ang puso ko. Linisin, patawarin, gamitin Mo po ako nang ayon sa Iyong kalooban.
Isinulat ni Arthur Jackson
Leave a Reply