KAGALAKANG MAY PAGMAHAHAL
Basahin: ISAIAS 62:1–5 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: LEVITICUS 15-16; MATEO 27:1–26
Kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong ᴅɪᴏꜱ ay nagagalak din sa iyo. – ɪꜱᴀɪᴀꜱ 62:5
Nakatitig sa isa’t-isa sina Brendan at Katie. Kung titingnan ang masaya at maaliwalas nilang mga mukha, hindi mo mahuhulaan ang hirap na kanilang pinagdaanan para sa kanilang kasal dahil sa COVID-19. Gayon pa man, sa harap ng dalawampu’t lima nilang kapamilya, nandoon pa rin ang saya at kapayapaan sa kanilang mukha habang nagsasabi ng kanilang pangako sa isa’t-isa. Nagpasalamat din sila sa patuloy na pagmamahal sa kanila ng Dios na Siyang nagbuklod sa kanila.
Ginamit ni Propeta Isaias ang larawan ng isang masayang ikakasal upang maipakita ang klase ng kagalakan at pagmamahal ng Dios sa Israel, ang Kanyang bansang pinili. Ipinaalala rin ni Isaias na sumasalamin ang inialok na kaligtasan ng Dios sa mga katotohanan ng pamumuhay sa makasalanang mundo. Nariyan ang kaaliwan para sa mga bigo sa pag-ibig, kasiyahan sa mga nagdadalamhati, at katugunan sa pangangailangan ng Kanyang bansang pinili (ISAIAS 61:1-3). Nag-alok ng tulong ang Dios sa Kanyang bansang pinili dahil, tulad ng ikakasal na ipinagdiriwang ang kanilang pag-ibig sa isa’t-isa, “ang iyong DIOS ay nagagalak din sa iyo” (62:5).
Nagagalak at nais ng Dios na magkaroon tayo ng maayos na relasyon sa Kanya.
Ito ang katotohanan: nagagalak at nais ng Dios na magkaroon tayo ng maayos na relasyon sa Kanya. Kaya kahit na naghihirap tayo, palagi nating tandaang mayroong Dios na nagmamahal sa atin nang may kagalakan at “ang pag-ibig Niyaʼy walang hanggan” (SALMO 136:1).
Mapagmahal na Dios, salamat po sa Inyong pagmamahal sa akin nang may kagalakan.
Anong mga larawan ang nagpapaalala sa iyo ng pagmamahal ng Dios? Paano nagdadala ng kasiyahan sa iyo ang pagmamahal Niya?
Isinulat ni Lisa M. Samra
Leave a Reply