HUWAG MAKIISA
Basahin: EXODUS 23:1–9 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: LEVITICUS 17-18; MATEO 27:27–50
Huwag kayong makikiisa sa karamihan sa paggawa ng masama. – EXODUS 23:2
Sa lumang pelikulang 12 Angry Men, sinabi ng isang hukom ang mga katagang ito: “May isang namatay. May isa pang buhay ang nakasalalay sa akin.” Kuwento ito ng isang binatang napagbintangang pumatay. Maraming ebidensya ang nagtuturo sa kanya. Ngunit habang umuusad ang kaso, nagkaroon ng pagtatalo dahil isa sa labindalawa ang bumoto ng “hindi nagkasala.” Marami kasi siyang nakitang pagkakamali sa mga patotoo. Dahil dito unti- unti ring naliwanagan ang iba at nagpalit ng kanilang mga boto.
Ganito naman ang tagubilin ng Dios para sa Kanyang bayan, ang Israel. Sinabi ng Dios, “Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya para lang masunod ang opinyon ng karamihan” (EXODUS 23:2). Kung paanong hindi dapat “pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap” (TAL. 6 ᴍʙʙ), hindi rin dapat “papaboran ang kaso ng mga mahihirap” (TAL. 3) dahil lamang sa kalagayan nila. Nais ng Dios, ang matuwid na Hukom, na magkaroon tayo ng katapatan sa ating mga paglilitis.
Ama, tulungan Mo po kaming ipakita sa mundo ang Iyong pag-ibig.
Sa pelikula, bago nagpalit ng kanyang boto ang ikalawang hukom, sinabi muna niya ito tungkol sa naunang bumoto ng “hindi nagkasala”: “Hindi madaling manindigan nang mag-isa lalo na sa harap ng pangungutya ng iba.” Gayunpaman, ito ang nais ng Dios na mangyari. Nakita ng hukom ang totoo. Sa tulong ng Banal na Espiritu, maaari rin tayong manindigan sa katotohanan ng Dios at magsalita para sa mga walang kakayahan.
Ama, tulungan Mo po kaming ipakita sa mundo ang Iyong pag- ibig habang tumitindig kami para sa Iyong katotohanan.
Ano ang nag-uudyok sa iyo upang sumama sa nakararami? Saan ka tinatawag ng Dios upang ipakita ang iyong paninindigan sa katotohanan at katarungan?
Isinulat ni Tim Gustafson
Leave a Reply