TUNGO SA KAPAYAPAAN

·

·

TUNGO SA KAPAYAPAAN

Basahin: Filipos 4:4–8 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Hukom 4-6; Lucas 4:31–44

Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. – ꜰɪʟɪᴘᴏꜱ 4:6

Isa sa pinakamalaking sanhi ng stress ang paglipat ng tirahan. Halos 20 taon akong nanirahan sa dati kong tahanan bago kami lumipat sa bahay namin ngayon. Walong taon muna akong namuhay doon nang mag-isa. Nang mag-asawa ako, dinala ng asawa ko ang lahat ng mga gamit niya. Sa kalaunan, nagkaroon kami ng anak, at nangangahulugan ito ng mas marami pang gamit. Kaya naman hindi naging madali nang lumipat na kami sa bagong bahay.

Ngunit hindi ako nakaramdam ng labis na stress sa araw na iyon. Bigla kong naisip: Naglaan kasi ako ng maraming oras para tapusin ang pagsulat ng isang libro…na puno ng mga talata mula sa Biblia. Sa biyaya ng Dios, nag-aral ako ng Biblia, nanalangin, at nagsulat para makaabot sa aking deadline. Kaya sa tingin ko, lubos na nakatulong sa akin ang maghapong pag-aaral sa Biblia at pananalangin.

Isinulat ni Apostol Pablo, “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat” (ꜰɪʟɪᴘᴏꜱ 4:6). Kapag nananalangin tayo at nagagalak sa Dios (ᴛᴀʟ. 4), natutuon ang isipan natin mula sa ating problema patungo sa ating Dios. Kapag nananalangin tayo, hindi lang tayo humihingi ng tulong sa Dios. Nakikipag-ugnayan din tayo sa Kanya na Siyang nagbibigay ng “kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso [natin]” (ᴛᴀʟ. 7).

Makapangyarihang Dios, iniaalay ko po sa Inyo ang aking mga alalahanin. Nawa’y magkaroon ng kapayaan ang aking puso at isipan.

Paano makakatulong ang panalanging may pasasalamat upang mabago ang iyong isipan?

Isinulat ni Katara Patton

Spread the word


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *