AYON SA PLANO NG DIOS
Basahin: Exodus 2:1–10 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Hukom 7-8; Lucas 5:1–16
Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises, dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.” – ᴇXᴏᴅᴜꜱ 2:10
Natagpuan sa mga hagdan ng isang simbahan ang isang bata. Samantala, may isang bata pa ang pinalaki ng mga madre. Sila sina Halina at Krystyna. Ipinanganak sila sa Poland noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at sa loob ng halos walong dekada, hindi nila kilala ang isa’t isa. Ngunit nang lumabas ang resulta ng DNA test, natuklasan nilang magkapatid sila. Nalaman din nilang galing sila sa lahi ng mga Judio, na nagpapaliwanag kung bakit sila inabandona. Marahil iyon ang naisip na paraan ng kanilang ina upang maligtas sila mula sa kamatayan.
Gayundin ang kuwento ni Moises. Bilang isang batang Hebreo, itinakda siya para mamatay (ᴛɪɴɢɴᴀɴ ᴀɴɢ ᴇXᴏᴅᴜꜱ 1:22). Kaya naman inilagay siya ng kanyang ina sa isang basket at pinaanod sa Ilog ng Nilo (2:3) upang maligtas. Ngunit higit sa kaya niyang isipin ang plano ng Dios. Ginamit ng Dios si Moises upang iligtas ang Kanyang bayan.
Makikita rin natin sa kuwento ni Moises ang kuwento ni Jesus. Kung paanong ipinapatay ng Faraon ang mga batang Hebreo, iniutos rin ni Herodes na patayin ang lahat ng mga sanggol sa Betlehem (ᴛɪɴɢɴᴀɴ ᴀɴɢ ᴍᴀᴛᴇᴏ 2:13–16).
Nasa likod ng lahat ng ganitong poot—lalo na laban sa mga bata—ang ating kaaway na si Satanas. Ngunit hindi nakakagulat ang ganitong karahasan sa Dios. May plano Siya para kay Moises, at may plano rin Siya para sa iyo at sa akin. At sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus, ipinakita Niya ang Kanyang pinakadakilang plano—ang iligtas at ibalik sa Kanya ang sangkatauhang tumalikod sa Kanya.
Dios Ama, salamat po sa Iyong pagliligtas. Tulungan Mo po akong magtiwala sa Iyong perpektong plano.
Paano mo nakikita ang plano ng Dios na kumikilos sa iyong buhay? Sa anong mga paraan ka Niya iniligtas?
Isinulat ni Tim Gustafson
Leave a Reply