Magagandang Paa
Basahin: Isaias 52:7–10 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Deuteronomio 5-7; Marcos 11:1–18
Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng Magandang Balita. — Isaias 52:7 ABAB
Pinarangalan si Josh Nash noong 1994 ng Nobel Prize for Economics, kinikilala ang mga ginawa niya sa mathematics. Ginagamit ng mga negosyo sa buong mundo ang mga equations niya para maintindihan ang dynamics ng kompetisyon at tunggalian. Isang libro at isang pelikula ang nagdokumento ng buhay niya, at tinawag na “maganda” ang isip niya—hindi dahil magandang tingnan ang kanyang utak, kundi dahil sa mga nagawa niya.
Ginamit din ni Propeta Isaias ang salitang maganda para ilarawan ang mga paa—hindi dahil sa nakikitang pisikal na katangian ng mga ito, kundi dahil sa kagandahan ng mga ginawa ng mga paang iyon. “Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng [Magandang Balita]” (Isaias 52:7, ABAB).
Pagkatapos ng 70 taon ng pagkakabihag sa Babilonia dahil hindi sila naging tapat sa Dios, dumating ang mga mensahero na may dalang mga salitang nagpapalakas sa mga anak ng Dios para na umuwi sila kasi “ililigtas niya ang Israel” (Tal. 9).
Ang Magandang Balita ay hindi inuugnay sa lakas-militar ng mga Israelita o anumang gawa ng tao. Sa halip, ito ay gawa ng “banal na bisig” ng Dios (Tal. 10, ABAB). Totoo rin ito ngayon; may tagumpay tayo laban sa espirituwal na kaaway sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo para sa atin. Bilang tugon, nagiging mensahero tayo, nagdadala ng kapayapaan, mabuting balita, at kaligtasan sa mga nakapalibot sa atin. At ginagawa natin iyon nang may magagandang paa.
Isinulat ni Kirsten Holmberg
Leave a Reply