Pagbibigay Dahil Sa Pag-ibig
Basahin: Mateo 6:1–4 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: 2 Cronica 17-18; Juan 13:1–20
Ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa’yo. – Mateo 6:4
Tuwing umaga, pagbili ni Glen ng kape sa malapit na drive-through, binabayaran na rin niya ang para sa taong nasa kotseng kasunod niya at binibilinan ang kahera na batiin ito ng magandang araw para sa kanya. ‘Di sila kilala ni Glen. ‘Di niya alam ang reaksyon nila. Gusto lang niya makagawa ng kahit munting kabutihan sa iba.
Pero minsan, nabasa niya sa dyaryo ang resulta ng kanyang ginawa. Sa isang liham sa patnugot ng isang taong hindi pinangalanan, nalaman ni Glen na naging dahilan ang ginawa niya noong Hulyo 18, 2017 para magbago ang isip ng tao sa kasunod na kotse na wakasan ang buhay sa araw na iyon.
Dios Ama, salamat po sa pagkilos sa buhay ko para tugunan ang pangangailangan ng iba.
Araw-araw ang kabutihan ni Glen sa taong nasa kasunod na kotse kahit ‘di siya nakikilala at napapasalamatan. Isang beses lang siya nagkaroon ng ideya sa epekto ng munting kabutihan. Sinabi ni Jesus “kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan” (Mateo 6:3). Hinihikayat Niya tayong magbigay – tulad ni Glen – na hindi nagnanais na makilala o sumikat.
Kapag nagbigay tayo dahil sa pag-ibig natin sa Dios at hindi para makatanggap ng papuri ng iba, puwede tayong magtiwala na gagamitin ng Dios ang pagbibigay natin – malaki man o maliit – para tugunan ang pangangailangan ng makatatanggap nito.
Paano ka nabiyayaan ng palihim na pagbibigay ng iba?
Paano ka mas makakapagbigay nang palihim?
Dios Ama, salamat po sa pagkilos sa buhay ko para tugunan ang pangangailangan ng iba at tugunan din ang pangangailangan ko sa pamamagitan nila. Tulungan Mo po akong huwag maghangad ng sariling papuri at gawin ang pagbibigay para Ikaw lang ang mapapurihan.
Isinulat ni Kirsten Holmberg
Leave a Reply