Naglalakad Kasama Ang Iba
Basahin: Roma 13:8–14 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Job 5-7; Gawa 8:1–25
Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. – Roma 13:8 MBB
Tapat at mapagmahal si Billy, ang aso ni Russell na sumikat sa internet noong 2020. Napinsala kasi ang bukong-bukong ni Russell at gumamit siya ng saklay para makapaglakad. Hindi nagtagal, paika-ika na rin si Billy kapag naglalakad kasama si Russel. Pinasuri niya ito sa doktor ng mga hayop pero wala namang nakitang problema kay Billy. Malaya nga itong tumatakbo kapag mag-isa. Nag-iikaikaan lang pala ang aso para makiisa kay Russell at damayan ito.
Ganyan din ang katuruan ni Apostol Pablo sa grupo ng mga na kay Cristo sa Roma. “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili” (Roma 13:9), ang pagbubuod ng apostol sa huling lima sa Sampung Utos. Makikita rin ang kahalagan ng damayan sa talata 8: “Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo’y magmahalan sa isa’t isa.”
O Dios, buksan Mo po ang mga mata ko sa pangangailangan ng mga tao sa paligid.
May payo rin ang manunulat na si Jenny Albers na katulad sa ginawa ng asong si Billy: Maaaring hindi natin kayang alisin ang pagdurusa ng iba o tanggalin ang pasakit na pinagdadaanan nila, pero mahalin natin sila at maglakad tayo kasama nila sa panahon ng kanilang pagdurusa. Minsan kasi kailangan ng taong nagdadalamhati na malaman na hindi siya nag-iisa.
Dahil naglalakad kasama natin si Jesus na ating Tagapaglistas para samahan at damayan tayo sa lahat ng ating pagdurusa at pasakit, alam natin na mahalaga ang paglalakad sa tabi ng iba para samahan at damayan din sila.
Ngayong linggo, mayroon bang nangangailangan
na samahan at damayan mo?
Ipanalangin kung paano gusto ng
Dios na gawin mo ito.
Isinulat ni Anne Cetas
Leave a Reply