Hinila Ng Sakuna
Basahin: Joel 1:1–7, 19–20 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Salmo 84-86; Roma 12
Panginoon, nananawagan po ako sa Inyo. – Joel 1:19
Noong 1717, isang mapanirang bagyo ang nanalasa nang ilang araw at nagdala ng malawakang baha sa Hilagang Europa. Libu-libong tao ang namatay sa Netherlands, Germany, at Denmark. Pinakita ng kasaysayan ang isang interesante at nakaugaliang tugon ng isang lokal na gobyerno: tumawag ang mga may awtoridad sa siyudad ng Groningen ng isang “araw ng panalangin”. Isang historian ang nagsabi na nagsama-sama sa mga simbahan ang mga mamamayan at “nakinig ng mga sermon, umawit ng papuri, at nanalangin nang ilang oras.”
Inilarawan ni Propeta Joel ang isang napakalaking sakuna na kinaharap ng mga taga-Juda na nagdala sa kanila sa pananalangin. Isang napakalaking grupo ng mga balang ang tumabon sa lugar at “sinira … ang mga tanim na ubas … at igos” (Joel 1:7). Nanalangin si Joel, “Panginoon, nananawagan po ako sa inyo (1:19).
Direkta man o hindi, parehong naranasan ng mga taga-Hilagang Europa at ng mga taga-Juda ang mga sakuna na epekto ng kasalanan at ng nabigong mundo (Genesis 3:17-19; Roma 8:20-22). Pero iyon ang oras na naging dahilan kaya tumawag sila sa Dios (Joel 1:19). At “Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa Kanya nang buong puso” (2:12).
Kapag nahaharap tayo sa hirap at sakuna, bumaling tayo sa Dios. “Mahabagin” at “mapagmahal” Siya (Tal. 13), hinihila Niya tayo palapit sa Kanya—nagbibigay ng ginhawa at tulong na kailangan natin.
Bakit kaya tumatawag sa Dios ang mga tao sa tuwing dumaranas
sila ng matitinding pagsubok? Paano kaya nagagamit ng
Dios ang mga pagsubok na ito upang magtiwala ang mga tao sa Dios?
Ama namin sa langit, sa harap ng paghihirap, tulungan Mo po akong tumawag Sa’yo at hanapin ang pag-asa na Ikaw lamang ang may kakayanang magbigay.
Isinulat ni Tom Felten
Leave a Reply