Biyaya Kapag May Pagsubok
Basahin: Deuteronomio 31:1–8 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Salmo 89-90; Roma 14
Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka Niya; hindi ka Niya iiwan o pababayaan man. – Deuteronomio 31:8
Nalumpo si Annie Johnson Flint dahil sa matinding arthritis ilang taon lang pagtuntong niya ng high school. Hindi na siya nakalakad at umasa na lang siya sa iba para sa mga pangangailangan niya. Dahil sa kanyang mga tula at awit, marami siya laging bisita, kasama na doon ang isang diyakonesa na pinanghihinaan ng loob sa paglilingkod nito. Nang umuwi ang bisita, sumulat ito kay Annie tungkol sa tanong nito kung bakit hinahayaan ng Dios ang mga paghihirap sa buhay.
Bilang sagot, nagpadala si Annie ng tula: “Hindi pinangako ng Dios na parating asul ang langit, / na puno ng bulalak ang dadaan natin …” Alam niya base sa karanasan na madalas may paghihirap, pero hindi iiwan ng Dios ang mga minamahal Niya. Sa halip, nangako Siya na ibibigay Niya ang “biyaya para sa mga pagsubok, tulong mula sa itaas / di-nabibigong simpatya, di-namamatay na pag-ibig.”
Ama sa langit, kapag nanghihina ako at nababahala, ipaalala Mo po sa akin na hindi Mo ako iiwan.
Nagdusa si Moises at humarap sa mga alitan, pero alam niyang kasama niya ang presensya ng Dios. Nang ipasa niya kay Josue ang pamumuno sa mga Israelita, sinabi niya sa nakababatang lalaki na maging matatag at matapang dahil “ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo” (Deuteronomio 31:6). Alam ni Moises na haharap ang Israel sa malalakas na kalaban sa pagpasok nila sa lupang pangako, kaya sinabi niya kay Josue, “Huwag kang matakot ni panghinaan ng loob” (Tal. 8).
Dadanas ng hirap ang mga disipulo ni Cristo, pero kasama natin ang Espiritu ng Dios para palakasin ang loob natin. Hindi Niya tayo iiwan.
Paano ka nagtitiwala sa Dios
sa panahon na humaharap
ka sa mabibigat na problema?
Isinulat ni Amy Boucher Pye
Leave a Reply