Masakit Na Kaalaman

·

·

Masakit Na Kaalaman

Basahin: Mangangaral 1:12–18 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Salmo 132–134; 1 Corinto 11:17–34

Habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan. – Mangangaral 1:18

Huminto sa isang baybayin si Zach Elder at ang mga kaibigan niya matapos ang 25 araw ng pagra-raft sa Grand Canyon. Binanggit sa kanila ng tumanggap ng balsa ang tungkol sa COVID-19 virus. Akala nila nagbibiro lang ito, pero nang iwan nila ang lugar, nagtunugan ang mga telepono nila dahil sa mga mensahe ng kanilang mga magulang. Nagulat sila Zach. Kung puwede lang silang bumalik sa ilog at takasan ang nalaman na nila ngayon.

Sa nabigong mundo, madalas na nagdadala ng kalungkutan ang kaalaman. Naobserbahan ng matalinong Guro sa Mangangaral, “Habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan” (1:18).

Sino ang hindi naiinggit sa kainosentehan ng mga bata? Hindi nila alam ang tungkol sa racism, karahasan, at cancer. Hindi ba mas masaya tayo bago natin nalaman ang kahinaan natin at mga bisyo? Bago nalaman ang sikreto ng pamilya natin—kung bakit lasenggo ang tiyuhin natin, o ang dahilan ng paghihiwalay ng mga magulang natin?

Hindi natin puwedeng hilinging mawala ang ganyang sakit. Hindi na tayo puwedeng magpanggap na hindi natin alam. Pero may mas mataas na karunungan na nag-uudyok sa atin para magawa nating magtiis at magtagumpay. Si Jesus ang Salita ng Dios, ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman natin (Juan 1:1-5). Siya ang “karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan Niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa Kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan” (1 Corinto 1:30). Ang sakit na nararamdaman mo ang dahilan para tumakbo ka patungo kay Jesus. Kilala ka Niya at nagmamalasakit Siya sayo.

Ano ang mga bagay na sana hindi mo na lang ito nalaman?

Idalangin mo ito sa Dios na tulungan kang malampasan ito.

Isinulat ni Mike Wittmer

Spread the word


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

One response to “Masakit Na Kaalaman”
  1. Bro Ronald Avatar
    Bro Ronald

    Sa maraming pagkakataon sa trabaho, may mga bagay na hindi ko sana nalaman – mga taong hindi pabor sa akin, mga desisyon na naglalagay sa akin sa hindi magandang kalagayan, mga usapan ng ibang tao na hindi kontra sa aking mga plano, at marami pa. Kamakailan lang ay sinabihan akong may opportunity ako mag aral sa ibang bansa at ako ang nasa una sa listahan. subalit pagkalipas lang ng isang linggo, ang lahat ay nagbago. Umasa na ako, subalit binawi sa akin. Hiling ko na sana hindi na lang sinabi sa akin iyon upang hindi sana ako umasa.

    Pero may plano ang Panginoon. Sinusubukan Nya ako kung paano ako magtitiwala sa Kanya. Isang hakbang bilang Kristyano ang magtiwala sa Kanya. Hindi madaling gawin, pero dapat natin gawin. Salamat sa Panginoon, dahil ang aking asawa ang natulong sa akin upang ipaalala sa akin ang kabutihan ng Panginoon. At dahil dito, ako naman ay nahakbang upang mag tiwala sa Kanya,, na may plano Sya na higit sa aking plano.

    Nasaktan man ako sa aking nalaman, idinudulog ko sa Panginoon itong aking pinagdadaanan. At umaasa akong ang plano Nya ang syang magtatagumpay sa aking buhay.

Recent Posts

Tags

There’s no content to show here yet.

Social Links