Pagtatayo Ng Bahay
Basahin: Mateo 16:13–20 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Kawikaan 3-5; 2 Corinto 1
Sa batong ito, itatayo Ko ang Aking iglesya, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan. – Mateo 16:18
Noong 1889, nagsimula ang pagtatayo ng pinakamalaking pribadong bahay sa Amerika. Nagpatuloy ang trabaho hanggang sa mabuo ang summer house ni George Vanderbilt matapos ang anim na taon. Ito ang naging Biltmore Estate sa North Carolina. Hanggang ngayon, ito pa rin ang pinakamalaking bahay sa Amerika, na may 250 na kuwarto (kasama na ang 35 na tulugan at 43 na banyo), at sumasakop sa 16,226 metro kuwadrado na espasyo.
Gayunpaman, wala itong panama sa “gusali” na ipinahayag ni Jesus sa mga disipulo Niya sa Mateo 16. Pagkatapos kumpirmahin ni Pedro na si Jesus ang “Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (Tal. 16), ipinahayag ni Jesus na, “Sinasabi ko sa iyo na … sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan” (Tal.18).
Habang pinagdedebatehan pa ng mga theologian ang pagkakakilanlan ng “bato,” walang debate tungkol sa intensyon ni Jesus. Magtatayo siya ng iglesya Niya na aabot hanggang sa dulo ng mundo (Mateo 28:19-20), kasama ang mga tao mula sa bawat bansa at bawat lahi sa buong mundo (Pahayag 5:9).
Ang halaga ng proyektong ito? Ang dugo ni Jesus sa krus (Gawa 20:28). Bilang bahagi ng “gusali” Niya (Efeso 2:21) na tinubos nang malaking halaga, ipagdiwang natin ang Kanyang sakripisyo at samahan natin Siya sa misyon Niyang ito.
Paano nasasalamin ng simbahan si Cristo?
Anu-anong mga bagay ang maaaring
makahadlang sa’yo para maisalamin mo si Jesus?
Kordero ng Dios, salamat po sa sakripisyo Mo. Hayaan Mong ipagdiwang Kita sa puso ko, kasama ng iba nasa pamilya ng mananampalataya.
Isinulat ni Bill Crowder
Leave a Reply