Tahanan Ng Ating Puso
Basahin: Salmo 63 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Isaias 20-22; Efeso 6
O Dios, kayo ang aking Dios. Hinahanap-hanap ko kayo. – Salmo 63:1
Isang tag-init, nawalay si Bobbie the Wonder Dog sa pamilya habang nagbabakasyon higit 2,200 milya mula sa bahay nila. Hinanap ng pamilya si Bobbie, alagang pinakamamahal, pero umuwi silang sawi.
Lumipas ang anim na buwan, tungo na sa dulo ng taglamig, bumungad ang isang buto’t-balat, gusgusin at determinadong Bobbie sa pintuan nila sa Silverton, Oregon. Malayo at delikado ang nilakbay ni Bobbie – tumawid ng ilog, desyerto, at bundok na balot ng snow – makauwi lang sa mga minamahal.
Nagbunga ng ilang libro at pelikula ang kuwento ni Bobbie. Ipininta rin ang larawan niya sa isang pader sa kanilang lugar. May kurot sa dibdib ng marami ang pagpapakasakit ni Bobbie para makauwi. Marahil dahil may nilagay na hangarin ang Dios sa kaibuturan ng puso ng tao. Sabi ng teolohikong si Augustine: “Nilikha Mo kami para sa Iyo, at hindi mapapahinga ang puso namin hanggang hindi ka natatagpuan.” Sa panalangin ni Haring David noong nagtatago siya sa desyerto dahil tinutugis siya ng mga kalaban: “O Dios, ikaw ang aking Dios na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa ay tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas” (Salmo 63:1).
Para kay David, “mas mainam pa kaysa buhay” ang pag-ibig ng Dios (Tal. 3). Hinanap tayo ng Dios at gumawa Siya ng paraan – sa pamamagitan ni Jesus – upang makauwi tayo sa pag-ibig Niya – gaano man tayo kalayo sa Kanya.
Ano ang pinakapinananabikan mo sa araw
na makatagpo mo na si Jesus? Sa ngayon,
paano mo Siya hinahanap sa araw-araw?
Isinulat ni James Banks
Leave a Reply