ANG KABUUAN NG KUWENTO
Basahin: PAHAYAG 5:1–10 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: GENESIS 29-30; MATEO 9:1–17
Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay. – ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 5:5
Sa loob ng mahigit anim na dekada, naging pamilyar na sa radyo ng bawat Amerikano ang tagapagbalita na si Paul Harvey. Madalas marinig sa kanya, “Alam ninyo ang balita ngayon, pero makalipas ang ilang minuto, malalaman na ninyo ang kabuuan ng kuwento.” Pagkatapos ng patalastas, magkukuwento siya tungkol sa isang sikat na tao. Pero hindi niya agad ipapaalam ang pangalan o mahahalagang detalye. Sa huli niya lang sasabihin pagkatapos ng maraming pambibitin. Natutuwa naman ang mga tagapakinig lalo kapag sinabi na niyang, “At ngayon nalaman na ninyo…ang kabuuan ng kuwento.”
Inilarawan din naman sa pangitain ni Apostol Juan ang kabuuan ng kuwentong mangyayari sa hinaharap. Kaya lang, nagsimula ang kuwento ng pangitain ni Juan sa isang malungkot na tagpo. Hindi mapigil ni Juan ang kanyang pag-iyak sa mangyayari sa buong kasaysayan ng mundo (ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 4:1; 5:1-4). Pero sa mga tagpong iyon, narinig niya ang isang tinig na nagbibigay ng pag-asa, “Huwag kang umiyak…narito ang Leon sa lahi ni Juda” (ᴛᴀʟ. 5). Gayon pa man, walang nakita si Juan na mabagsik na leon, kundi isang maamong tupang nakahanda para patayin at ihandog (ᴛᴀʟ. 5-6). Pagkatapos niyon, nakita naman niyang nagdiriwang ang marami sa palibot ng trono ng Dios. Umaawit ng papuri sa Dios ang 24 na matatanda kasama ang mga anghel at ang lahat ng nasa langit at nasa lupa (ᴛᴀʟ. 8-14).
Makapangyarihang Dios, kaparatdapat Ka po sa aming pag-ibig, papuri, at pag-aalay ng lakas.
Hindi mo aakalaing nagkaroon tayo ng buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus. Nagbigay din ito ng lubos na kaluwalhatian sa Dios at naging kabuuan ng kuwento ng bawat nilikha ng Dios.
Makapangyarihang Dios, kaparatdapat Ka po sa aming pag-ibig, papuri, at pag-aalay ng lakas.
Isinulat ni Mart DeHaan
Leave a Reply