Hoy Gising!
Basahin: Mateo 26:36–46 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Genesis 46-48 Mateo 13:1–30
Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman. — Mateo 26:41
Minsan, nakatulog ang isang empleyado ng bangko habang nasa panahon siya ng pagtatrabaho. Magpapadala sana siya ng 62.40 euro dolyar sa isang kliyente nila. Habang natutulog, nakadiin ang kanyang daliri sa keyboard ng kanyang kompyuter. Kaya naman, nasa 222 milyong euro dolyar ang naipadala niya. Hindi lang siya ang natanggal sa trabaho maging ang kasama niya na nag-apruba dito. Kahit naitama at naibalik ang naipadalang pera, muntik nang malagay sa malaking pagkalugi ang bangko sa kapabayaan ng empleyadong nakatulog.
Pinaalalahanan din naman noon ni Jesus ang Kanyang mga alagad na kung hindi sila magiging alerto, maaari silang makagawa ng malaking pagkakamali. Minsan, isinama noon ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa hardin ng Getsemane para manalangin. Habang nananalangin noon si Jesus, nakaramdam Siya ng matinding kalungkutan at paghihinagpis na hindi pa Niya nararanasan noong namumuhay pa Siya rito sa lupa.
Hindi natin magagawang iwan o ipagkaila si Jesus sa mga panahong mabibigat ang ating problema.
Sinabihan Niya sina Pedro, Santiago at Juan na manatiling gising para manalangin at maging alerto (Mateo 26:38). Pero, nakatulog sila (Tal. 40-41). Ang kanilang kapabayaan ang maglalagay sa kanila sa kahinaan sa panahon na haharap sila sa matinding tukso. Kaya naman, mahina sila sa panahon na kinailangan sila ni Jesus. Ang iba ay ipinagkaila si Jesus at ang iba naman ay iniwan Siya.
Alalahanin nawa natin ang sinabi ni Jesus at patuloy tayong magtiwala sa Kanya. Maglaan tayo ng maraming oras sa pananalangin. Sa gayon, tumatag ang ating pananampalataya sa Kanya. Kung gagawin natin ito, magiging matatag din tayo sa pagharap sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Hindi rin natin magagawang iwan o ipagkaila si Jesus sa mga panahong mabibigat ang ating problema.
Isinulat ni Marvin Williams
Leave a Reply