Tumakas O Pumayapa?

·

·

Tumakas O Pumayapa?

Basahin: Juan 16:25–33 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: Genesis 27-28 Mateo 8:18–34

Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa Akin. Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo, pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na Ako laban sa kapangyarihan ng mundo.” — Juan 16:33

Makaagaw pansin ang nakasulat sa isang billboard. Sinabi roon, ‘Tumakas’. May mababasa ring ilang benepisyo ng pagkakaroon ng hot tub o paliguan na mayroong mainit na tubig. Naisip ko na magandang magkaroon kami nito sa loob ng bahay. At parang nasa bakasyon ka kapag meron ka nito. Kaya naman, bigla akong nagkaroon ng pagnanais na makatakas sa mga ginagawa ko.

Lubhang nakakaakit ang salitang ‘makatakas’ dahil nagbibigay ito ng pakiramdam ng kaginhawaan, kapahingahan, seguridad at kalayaan. Ito rin ang laging iniaalok sa atin ng mundo. Wala namang masama na magpahinga at tumakas para pumunta sa isang magandang lugar. Pero, malaki ang pagkakaiba ng pagtakas sa mga pagsubok sa buhay at sa pagtitiwala sa Dios sa panahon na humaharap tayo sa mga pagsubok.

Sa Bagong Tipan naman ng Biblia, sinabi ng Panginoong Jesus na haharap sa mga pagsubok ang mga nagtitiwala sa Kanya upang masubok ang kanilang pananampalataya (Juan 16). Sinabi ni Jesus, “Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na Ako laban sa kapangyarihan ng mundo” (Tal. 33). Napakagandang pangako ito ng Panginoon. Ayaw kasi Niyang mamuhay sa kawalan ng pag-asa ang Kanyang mga alagad. Sa halip, hinikayat sila na magtiwala sa Kanya dahil Siya ang magbibigay sa kanila ng tunay na kapahingahan. Sinabi ni Jesus, “Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa Akin” (Tal. 33).

Hindi ipinangako ni Jesus na hindi na tayo makakaranas ng anumang paghihirap dito sa mundo. Sa halip, ipinangako Niya na kung magtitiwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa panahon na humaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay. Kaya naman, sa halip na tumakas tayo, lubos tayong umasa sa Dios.

Hindi ipinangako ni Jesus na hindi na tayo makakaranas ng anumang paghihirap dito sa mundo. Sa halip, ipinangako Niya na kung magtitiwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa panahon na humaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay.

Isinulat ni Adam R. Holz 

Spread the word


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

2 responses to “Tumakas O Pumayapa?”
  1. Ruby Gludo Avatar
    Ruby Gludo

    God bless

  2. Bro Ronald Avatar
    Bro Ronald

    Kadalasan ay mas pinipili natin tumakas sa problema. Pupunta sa barkada, gagawa ng mga bisyo at kalokohan, maghihimagsik, at gagawa ng panibagong problema. Eto ang pinakamadaling gawin para sa atin. Sapagkat sa mundong ating ginagalawan, tayo ay nakatira sa paligid na kung saan ang tukso ay mag uudyok sa atin upang piliin natin ang mali, upang ilagak natin ang ating problema sa higit pang maling solusyon. Sa mga ganitong pagkakataon, lalo lang tayo mapapalayo sa ating Panginoon, sapagkat mas pinili natin tumalikod, sa pag aakala na maiksing solusyon na meron sa ating kamay ay makakapag bigay ng ginhawa. Subalit ang mundo ay sadyang puno ng tukso na pilit tayong bubulagin upang manatili sa dilim.

    Ang pagsuko ng ating mga mabigat na dalahin kay Kristo Jesus ay hindi pagtakas, kundi isang pagkilala sa Kanyang kapangyarihan na Siya lamang ang makakapag bibigay ng kapayapaan sa puso natin sa kabila ng suliranin sa paligid.

    Hindi tayo nag-iisa sa ating buhay. Kasama natin ang ating Panginoon. May oras na tayo ay lumalayo sa Kanya, pero ang ating Diyos ay hindi kailanman lumayo sa ating piling. Ang lahat ng kinakaharap natin ay pinahintulutan Nya. Ito ay para sa atin…upang tayo ay mamulat na kailangan natin Sya, at hindi natin magagawang makatakas sa ating problema.

    Sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kapayapaan. At hindi Nya tayo pababayaan. Magtiwala tayo sa Kanyang pangako.

Recent Posts

Tags

There’s no content to show here yet.

Social Links